Eucharistic & Marian Vigil 2008: Isang Malaking Tagumpay! Maraming Salamat Po! Bishop Deogracias Iniguez
Naging isang malaking tagumpay ang nakaraang Bihilya sa Kabanal-banalang  Sakramento Kasama ang Mahal na Birhen Maria noong nakaraang Sabado  October 11, 2008 bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Rosaryo  sa parokya. Ang nasabing gawain ay pinangunahan ng Obispo ng Diyosesis  ng Kalookan, Most Rev. Bishop Deogracias S. Iniguez, bilang Punong  Tagapagdiwang sa Banal na Misa. Sa kanyang homiliya binigyan diin ng  Mahal na Obispo na ang ating debosyon sa Banal na Rosaryo ay isang tunay  na paglalakbay patungo kay Kristo na masasalamin sa bawat misteryo  nito:
Sa mga Misteryo ng Tuwa na tumatalakay sa mga tagpo ng pagkakatawang Tao ng Salita, ang Verbo si Kristo.
Sa  mga Misteryo ng Liwanag na nagpapakita ng mga gawain o tagpo ng  ministeryo ng Panginoon at pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos.
Sa mga Misteryo ng Hapis na nagpapaalala ng mga pinagdaanang sakit at hirap ng Panginoon upang tubisin ang ating mga kasalanan.
Sa mga Misteryo ng Luwalhati na nagpapakita ng tagumpay at Kaluwalhatian ng Diyos kasama ang Mahal na Birhen Maria.
Ang  lahat ng mga samahang pansimbahan ng Parokya ay nakiisa at dumalo sa  Banal na Misa at Bihilya kabilang na ang pamunuan at mga guro ng Sta.  Catalina College na walang sawa at pagod na nakikiisa at sumusuporta sa  mga gawain ng Parokya. Ang ginanap na Bihilya sa Kabanal-banalang  Sakramento Kasama ang Mahal na Birhen Maria para sa taong ito ay buong  pagkakaisang pinangunahan ng Adoracion Nocturna Filipina Turno 1193,  Ushers & Collectors Ministry (UCM) at Catholic Women’s League (CWL).
source: sananthoniansbinan.i.ph